Paano simulan ang pagsusulat ng Science Fiction?

    Mahaba `to, pero worth it.  Pramis!  Libre kita ng kape kapag hindi.  Pero sa ngayon, kuha ka muna ng sarili mong kape at simulan ang pagbabasa.


    Nakatali ngayon ang kamay ko sa keyboard dahil sa laksa-laksang sulatin at kuwentong kailangang matapos bago ang deadline.  Sa totoo, malayo-layo pa ang deadline.  Ilang baso ng kape pa ang patutumbahin ko bago mataranta lahat ng brain cells ko at maobligang pigain ang sariling katas.  Pero dahil nakakapanghinayang ang oras na nakatitig sa patay-sinding cursor, pag-usapan natin ang genre ng Science Fiction.


    2017 nang magsimula akong umambisyong tumahi ng isang Science Fiction Novel.  Sabog na sabog ako at sobrang sabik.  May research papers, illustrations, character profile, plot, news references at sumali sa kung ano-anong investigative group sa mga usapin na tinatawanan ng iba.  Kung tatanungin n'yo ako sa mga naisulat ko nang kuwento at susundan n'yo `yun ng pag-usisa kung alin doon ang Science Fiction, sasabihin ko sa inyong sinusulat ko pa rin.


    Nasobrahan ako sa research.  Kapag nagsulat ka ng Science Fiction, hindi puwedeng umikot ang kuwento mo sa time travel lang, sa mga robot, alien, lumilipad na kotse, hightech na sandata, at senadorang kumakalbo ng bukid para gawing subdivision.  Importante ang mga elementong gaya no'n KUNG may silbi sa kuwento at makatutulong sa takbo ng istorya.  Sa palagay ko, may tatlong pagkakamali `yung mga first timer sa pagsubok ng genre na `to.


    Una.  Nauna ang fantasy na sumagi sa isip nila kaya walang pinaghuhugutang mensahe.

>  Ano kaya kung may nag-time travel na lalake, tapos `yung nag-time travel na-inlove sa garapatang nakatira sa timeline na pinuntahan niya?  Isusulat ko `yan!  Putspa!"


    Pangalawa.  Na-inspire lang sila sa nabasa nilang gawa ng iba o napanood na pelikula.

>  Ang ganda naman ng kuwento nito.  Sulat nga rin ako, version ko naman!


    Pangatlo.  Inuubos n'yo ang oras sa pagbabasa ng post na `to sa halip na simulan ang pagsusulat ng Science Fiction sa pamamagitan ng research.  At dahil d'yan, bibigyan ko kayo ng maiikling tips kung paano magsimula sa pagsusulat ng SciFi in my personal style!  Yeah!



Ito `yung spaceship sa sinusulat kong SciFi.  Siyempre, ginawan ko rin ng Illustration with pangmalakasang Specs.


1.  Suriin n'yo ang lahat ng nangyayari sa lipunan ngayon.  Ano'ng usaping panlipunan ang pinakatumutusok sa puso n'yo at nagpapadugo ng matinding emosyon?  Ito ang paghugutan mo ng mga kumplikasyon sa kuwento.  Kailangang sumasalamin sa reyalidad ang takbo ng istorya mo.  Oo, Fiction `yan, pero hindi ibig sabihin na malayo sa reyalidad.  Maraming beses na sa kasaysayan ng sangkatauhan na ginawang makinarya ng mga kuwentong kathang isip para magmulat ng kamalayan.


Subukan natin:

    Pag-usapan natin sa kuwento ang pandemya.  (Sinadya ko, dahil ito na ang pinakalaspag na konsepto ngayon.  Huwag n'yong gagawin `yun.)


2.  Hindi kailangan na laging futuristic ang Science Fiction.  Puwede nitong talakayin ang kasalukuyan at magsalpak ng mga ideyang makakapagbigay inspirasyon na itulak ang posibilidad.  Magandang pampalasa ang teknolohiya rito, pero sobrang mahalaga ang research at pagpapakaeksperto sa napiling tema.  Layon ng teknolohiya na tulungan ang tao na pasimplehin ang mga gawain niya para mas maging progresibo.


Subukan nating isalpak sa usaping pandemya:

    Isang teknolohiya ang maiimbento ng isang binatilyo na may alam sa hacking, kung saan kayang i-detect ng isang multi-functional eye glasses ang lahat ng detalye tungkol sa mga taong nasa harap niya.  Kaya rin nitong mag-function na tulad ng Rapid Test Kits kung saan nagagawa nitong i-determine ang level ng antibodies sa katawan ng tao sa loob lamang ng isang segundo.  Pero ang pinakamahalagang feature nito ay ang gawing visible ang infected droplets sa hangin at ano mang surfaces.  Lupet no'n `di ba?  Alam mo kung safe ka at ang mga mahal mo.


3.  Kapag may ganitong ka nang konsepto, kailangan mo nang lagyan ng pampalasa ang kuwento para gawing interesante.  Lagyan ng love story, romance, action, comedy...ikaw ang bahala sa buhay mo, nangyan!


Subukan ulit natin:

    Sa isang convenience store, nakita ng isang binatilyo ang dalaga na um-order ng isang malamig na (kayo na bahala, huwag lang malamig na jowa.)  Infected ang baso.  Concern ang bida natin kaya mabilis niyang inawat ang ate n'yong echosera at muntik nang mawalan ng panlasa.  Kaso dahil multi-functional ang eyeglasses niyang hightech (na puwede n'yong gawan ng feasible specs kalaunan) nagawa nitong ma-trace ang lahat ng detalye sa dalagang muntik nang maging pasyente.  Natuklasan ng bida natin na may mahigit sa isang sex videos ang dalaga na nagsi-circulate online.  Sasabihin niya kaya?  Bahala na `yung malikot na isip n'yo.

    Pero kung ako ang tatanungin, gusto kong maging mahalagang conflict dito ang sex videos niya na ipinakalat ng dati niyang karelasyon na mayaman at may koneksyon sa isang drug cartel.  Tinutugis ngayon ang dalaga, dahil sa isang napakahalagang data na nagawa niyang tangayin matapos magkapalit ang mga USB na naglalaman ng sex videos nila at ng mga multi-million peso drug transactions mula sa China.  Hindi aware ang babae, pero gusto na siyang patayin ng ex niya sa takot na gamitin ito sa pagganti dahil sa pagkalat ng videos niya.  Ang tanong na kailangan mong sagutin bilang tagakuwento ay ano'ng maitutulong ng bida natin?  Kung brutal ka, puwede mo ring dagdagan ang conflict.  What if nagawa nang i-trace ng CIA ang technology na naimbento ng bida, dahil sa sobrang lawak ng access nito sa global data?  Imagine, para mo nang isinuot ang Deep Web sa mata mo.  Pareho na sila ngayong tinutugis.  Oooohhh...  Interesting!

    Sa ganitong paraan, mababaliw ka at mababaliw ang mga mambabasa kung ano'ng kademonyohan ang niluluto mo.  Sino'ng hindi masasabik kung napakarami mong nilatag na tanong na gusto nilang mahanapan ng kasagutan.  Sa pamamagitan ng kuwento mo, sabihin mo sa mga mambabasa na: "May sikreto akong sasabihin sa inyo.  Huwag kayong bibitiw!"


    At d'yan nagtatapos ang maikling tips na `to.  Kaya masakit man, paalam!


*Sinuntok ang pader*



--- Jan Ariel Ungab

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

IBALIK ANG SHINE SA ATING SHORE: ANG PANGARAP NG MGA TAGA-BARANGGAY PUNTA

TUKLASIN: Isang "Wooden Tablet" na may kakayahang mag-flash ng video sa isang TV Screen, alamin kung saan matatagpuan!