IBALIK ANG SHINE SA ATING SHORE: ANG PANGARAP NG MGA TAGA-BARANGGAY PUNTA

"Men are moved by two levers only: fear and self-interest" ~Napoleon Bonaparte




        MINSAN MO NA bang narinig o nabasa ang quotes na `to mula kay Napoleon Bonaparte?  Kung hindi pa, malamang hindi ka rin pamilyar kung sino ba si Napoleon?  Isang French military and political leader na naging prominente noong French Revolution.  Siya lang naman ang naging de facto leader ng French Republic as First Consul mula 1799 to 1804.  Pero hindi tungkol sa kanya ang artikulong ito. Nagkataon lang na laging sumasagi sa isip ko `yang quotes na `yan habang sinusulat ko `to.  Siguro umay ka na, pero no choice ka.  Pag-uusapan natin ang mga kababayan natin na nagsi-siyesta habang nilalagnat ang daigdig.


        Bago pa ba sa pandinig mo ang global warming?  Eh ang climate change, greenhouse effect, forest degredation, forest denudation, at....end of the world?  Pustahan, sa lahat ng nabanggit, doon ka sa huli pinakanakiliti.  Bakit?  Kasi nga, isa ang "takot" sa mga puwersang nag-uudyok sa isang tao, ayon kay Napoleon.  Pero kung gasgas na sa`yo ang karamihan sa mga salitang nabanggit, posibleng wala na ring talab sa`yo ang interview ng mga eksperto tungkol sa pagmamalasakit sa nakakalbong gubat.  Sa epekto ng pagtatapon ng basura sa dagat.  At sa walang katapusang pakiusap na i-segregate ang mga nabubulok sa hindi nabubulok.


        Sa tuwing pag-uusapan ang environmental protection sa telebisyon, radyo, o internet, laging tampok ang mga eksperto.  Present din ang mga matataas na opisyales at government agencies.  At syempre, mga Non-Government Organization na walang sawang nagsasagawa ng mga tree planting activities, na umaasa ring mahihikayat ang mga kaluluwang tulad mo na nagmamalasakit sa kalikasan (pero low key pa rin dahil walang grupong kinabibilangan.)



        Ang tanong ngayon na sinusubukan kong hanapan ng sagot ay kung paano ka gagawing involve sa mga aktibidad na may kinalaman sa environmental protection?  Pati na rin `yung mga relatives mong kunwari ay ayaw sa polusyon pero hindi marunong mag-segregate ng basura.



        Hinatid ako ng mga katanungang ito sa kapitan ng isang barangay dito sa bayan ng Jalajala, Rizal---ang Barangay Punta.  Binubuo ng mahigit 3,200 na populasyon.  Pangunahing hanap-buhay ng mga taga-Barangay Punta ang pangingisda.  Bilang bahagi ng isang fourth class municipality, na nasa baybayin ng Laguna de Bay, hindi pa rin maaalis ang usapin sa pangangalaga ng kalikasan.  Ito ang isa sa mga unang inaksyunan ng Barangay Captain nitong si Kapitan Juanio Pillas.



        Sa pakikipagkuwentuhan ko kay Kap, napag-usapan namin ang mga bagay-bagay na may kinalaman nga sa environmental protection.  Pagpuputol ng puno.  Pagsusunog ng plastic waste.  Maling pagtatapon ng basura, at ang kakulangan sa maayos na palikuran ng ibang residente (na nasolusyunan naman din daw kahit paano, matapos niyang gawing proyekto ang pamimigay ng toilet bowl at pagpapaayos ng mga poso negro.)



        Pero ayon kay Kapitan Juanio, isa sa malaking problema niya na may kinalaman sa kalikasan, ay ang mga basurang napupunta sa lawa, partikular na ang mga plastic waste na hindi maubos-ubos.  Sino ba namang hindi?  Magwawalis.  Magpupulot.  Kinabukasan ay babalik na uli.  Maaaring kulang sa disiplina ang mga mamamayan, pero mahirap ding isantabi ang posibilidad na dayuhan ang karamihan sa mga basurang napapadpad dito.  At palibhasa’y dito na rin sa lugar na ito lumaki, hindi maiwasan ni Kapitan Juanio ang mapa-throwback sa ganda ng dalampasigan nila noon, habang nagkukuwentuhan kami.


        “Ako kasi, dito lumaki. Iyang tabing-lawa namin, no’ng kami’y maliliit, Boracay `yan.  So, that’s why, `yung project ko ‘Ibalik ang shine sa ating shore’.  Kasi no’ng ako’y maliit, walang sinabi `yung magagandang pinupuntahan ng mga tao, at pinapasyalan na `yan.  Sa puti ng buhangin n’yan. May mga shells d’yan na alam mong sa alat lang makikita, meron kami n’yan dito. Ang isda riyan, maupo ka lang, sumalok ka sa lawa, may mahuhuli ka nang isda.  And if you will believe me.  That time `yung mga tao wala namang hand pump noon.  Walang Manila Water noong araw, kundi puro balon lang.  Kami noon, d’yan umiinom lahat.  Gaano kalinis ang lawa noon?  That’s late 60’s.”  Kuwento ni Kapitan Juanio.



        “Ibalik ang shine sa ating shore.”  Ang pangunahing proyektong inilunsad ng LGU, para tugunan ang problema sa mga basurang nasa dalampasigan.  Maaaring baduy ang dating ng slogan para sa iba, pero malalim ang hugot ni Kap para sa intensyon ng aktibidad na `to.  At kung aangkinin lang sana ng mga taga-Barangay ang kahulugan nito, para isabuhay, baka ma-experience na uli natin ang mala-Boracay na white sand ng Punta.


        Ayon kay Kap, wala naman daw silang tigil sa pagsasagawa ng mga clean up drive at pagpapatupad ng maayos na segregation, pero hindi rin sapat na sila lang palagi ang nagmamalasakit sa kalikasan.  Para kay Kap, mahalaga rin ang partisipasyon ng bawat isa para maabot ang pangarap nilang maibalik ang ganda ng dalampasigan.


        Nang tanungin ko kung ano ba sa palagay niya ang solusyon, para maging involved ang mamamayan sa environmental protection, at mag-ambag sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran, sinabi niya na mahalaga raw ang mahigpit na pagpapatupad ng batas para madisiplina ang mga tao.  Sa kabilang banda, pinagpapalagay ko rin na kung ire-replicate ang intension at emotional attachment ni Kap sa dalampasigan (dahil marami siyang memories dito,) baka sakaling magkaroon na rin ng kusang-palo ang mga taga-Barangay Punta.


        At napag-uusapan na rin lang ang kusang-palo.  Hindi puwedeng hindi ko ikuwento ang naranasan ko, kasama ang mga taga-Barangay Sipsipin, na dito rin sa bayan ng Jalajala.  Ito ay nang makasama ko sila sa isang clean up drive sa dalampasigan ng Barangay Punta.  Huwag kang malito.  Tama ang nabasa mo.  Nagboluntaryo ang isang grupo mula sa kabilang barangay, para maglinis sa baybayin ng Barangay Punta.


Winawalis ng mga BHW Team ang mga basurang
karaniwang nakakalat sa mga gilid at sulok ng Fish Landing Area.



Bukod sa pagwawalis ay namumulot din sila ng mga basurang nakakalat para ipunin sa sako.


Tinututukan din ng BHW Team ang pagwawalis ng shoreline,
kung saan may mga residenteng naninirahan sa tapat nito.


    Sa pamumuno ni Kagawad Jessie Penaranda ng Barangay Sipsipin, kasama ang mga kapwa miyembro ng 7th Day Adventist Church, at katuwang ang Barangay Health Workers ng Punta; sinuyod nila ang dalampasigan para ipunin ang lahat ng mga basura.  Plastic Bottles, plastic wrappers, mga lumang damit, mga sirang gamit, mga tsinelas na walang kapares, at kung ano-ano pa na hindi malilinis ng simpleng walis.  Ito na ang isa sa pinakanakaka-inspire na eksenang nakita ko sa bayang ito.  Lalake, babae, kabataan, bata, at matanda.  Nagkaisa para sa layuning protektahan ang kalikasan sa pamamagitan ng pamumulot ng mga basura sa tabi ng minsang mala-Boracay na lawa.


Ang mga Baranggay Health Workers ng Punta
sa pamumuno ng kanilang presidenteng si Ginang Rosita Miranda.





Mga miyembro ng 7th Day Adventist Church mula sa Baranggay Sipsipin,
sa pamumuno ni Kagawad Jessie Penaranda.


        Nang makausap ko si Kagawad Jessie, sinabi niya na isa sa mga advocacy ng grupo nila ang environmental conservation.  Kaya nakipag-ugnayan sila sa pamunuan ng Barangay Punta, para magsagawa ng clean up drive sa dalampasigan nito.  Game na game naman ang mga kasamahan niya na nakakolekta ng mahigit dalawampung sako ng mga basura.  Narinig ko pa ngang sabi ng isa sa mga kasamahan nila na napakaganda raw ng lugar na ito.  Kailangan lang daw talaga na linisin, at siguradong dadayuhin ng mga tao.



        Nang usisain ang bawat isa kung bakit sila nakikiisa sa ganitong activity, pare-pareho ang sagot nila.  Matagal na raw nila itong ginagawa, para sa kalikasan.  Bukod daw kasi sa sinisira ng mga basurang ito `yung quality ng tubig sa lawa, nakakaapekto rin ito sa mga nahuhuling isda na nakakain ng mga microplastics.  Tapos kakainin natin `yung isda.  Nakakatakot nga naman talaga.  (Naalala ko nanaman tuloy `yung sinabi ni Napoleon.)  Samantala, ikinatuwa naman ni Kapitan Juanio ang initiative ng grupo.  Para sa kanya, malaking bagay raw na makita ng mga taga-Barangay Punta na may nagmamalasakit sa nasasakupan nila, na mula pa sa ibang barangay.  Sana raw, sa ganitong paraan ay maimpluwensyahan ang mga kabarangay niya na tularan ang ganitong mga initiatives.



Tinutukan ng mga miyembre ng 7th Day Adventist Church
ang pamumulot ng mga plastic wastes
na napapadpad sa gilid ng ilog
at naiipon sa pampang ng baranggay Punta.



        Ako rin.  Malaking sana rin para sa akin ito, na lahat tayo ay maging Conservationist.  Wala namang maliit o malaking ambag sa environmental protection.  Kahit ang simpleng pagtatapon ng basura sa tamang basurahan, pagmamahal na ito sa kalikasan.  Kung nahanap ko na ba `yung sagot sa katanungan ko?  Hindi ako sigurado.  Pero baka nasa kuwentong ito na rin ang sagot kung paano ka gagawing involved sa environmental protection.  Mahigpit na batas?  (Kailangan pa ba `yun?)  Hugot sa memories ng kabataan mo?  (Pa’no kung masyado ka pang bata?)  Emotional attachment sa kalikasan?  (Pa’no kung masyado kang distracted para ma-attach dito?)  Kailangan ba na ipakita muna sa`yo ng iba para maimpluwensyahan ka?  (O baka puwede namang sa`yo na magsimula?)  Depende.  Kung isa ka nang Conservationist, ito ay dahil nahanap mo na `yung sagot.  Kung hindi pa, sana hanapin mo pa rin.  At sana rin, matupad ng mga taga-Barangay Punta ang pangarap nilang maibalik ang shine sa kanilang shore.


Members of the 7th Day Adventist Church
and the sacks of plastic waste they collected
from Baranggay Punta's shorelines.


J.A. Ungab
Jalajala Rizal, 2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

TUKLASIN: Isang "Wooden Tablet" na may kakayahang mag-flash ng video sa isang TV Screen, alamin kung saan matatagpuan!

Paano simulan ang pagsusulat ng Science Fiction?