SECRETS OF THE MOON LANE: 'A SECRET TO UNFOLD'


KUNG kahibangan ang pagkukuwento tungkol sa isinusulat na kuwento, hayaan n'yong mahibang muna ako sa ngayon.  Sinusulat ko ngayon ang kuwentong "Secrets of the Moon Lane" na ang istorya ay tungkol sa isang lalake na bigla na lang napadpad sa isang lugar na misteryoso at malayo sa karaniwang mundo.

    Nasa gitna ako ng biyahe sa bus nang pumasok sa isip ko ang kuwentong ito.  Epekto ng traffic?  Epekto ng inconvenient na facemask at faceshield?  Puwedeng 'Oo', puwede ring 'Hindi'.  Sa gitna kasi ng biyahe na `yon e tulala ako nang dahil sa isang musika.  Sabayan pa ng pagpasok sa isip ko ng isang ideya na matagal ko nang nabasa at napag-aralan.

    Suffocated na tayo ng bad news, fake news at foul-mouthed national leader with incompetent appointees.  Dahil sa pandemya, obligado tayong dumistansya sa mga kapwa natin.  Umiiwas na makahawa at umiiwas na mahawaan.  Paano kung isang araw e magising na lang tayo sa isang bagong mundo?  Sa isang mundo kung saan hindi mo na kailangang makipag-social distancing dahil wala nang social life?  Walang tao.  Ikaw lang.  O kaya, kayo lang dalawa ng crush mo o kahit ng type mong celebrity?  Ayos na ayos `yun `di ba?  Pero paano kung wala kang maalala?

'Secrets of the Moon Lane' Official Cover by Jan Ariel Ungab


    Nang mabuo sa isip ko ang konsepto ng 'Secrets of the Moon Lane', naisip ko na agad na posibleng sa wattpad ko nga ito ipaskil.  Gusto kong magbukas ng isang bagong konseptong malayo sa mga pangkaraniwang mababasa sa Story Sharing Platform na ito.  At sa totoo lang, isinulat ko ito para sa mga kabataang baliw na baliw sa paulit-ulit at paikot-ikot lang na fantasy, scifi, romance at suspense concept ng mga wattpad stories.  Baka sakaling maging daan ito para maging uhaw sila sa mas makabuluhang kuwento at nasahin ang makabasa ng mas marami pa mula sa mga batikan at eksperto sa larangan.  Gusto kong magbigay ng kuwentong deserve ng kabataan.  Kuwentong maglalaro sa imahinasyon at magpapatalino sa kabataang nasanay na sa pagtangkilik ng mababaw na mga plot at konsepto mula sa mga mababaw na manunulat ng isang popular na Story Sharing Platform sa bansa.

    Sa totoo lang, abala ako ngayon sa maraming proyekto.  Maraming sinusulat na may kinalaman sa trabaho at naghahabol sa kaliwa't kanang deadline.  Pero iba kasi `yung nagsusulat ka kung saan malaya ka sa gusto mong isulat.  Mabubusog ka nga ng salapi, pero kaluluwa mo ang mabubusog kung mayroon kang Creative Freedom.

    Markahan n'yo na ang mga kalendaryo n'yo.  September 26, 2020, mababasa n'yo na sa wattpad ang unang Volume ng "Secrets of the Moon Lane".  Libre `to kaya sulitin n'yo ang pagsubaybay!  Support-support na lang!

    Para sa link at iba pang updates, i-follow n'yo lang ako sa aking Official Facebook Page na "Jan Ariel Ungab".  Mag-subscribe na rin sa aking youtube channel na "The J Diaries".  At kung trip n'yo, follow n'yo na rin ako sa Instagram Account ko na: janarielungab.  Para kunwari celebrity ako.

    Arigathanks gozaimuch!


SECRETS OF THE MOON LANE

Huwag kang magtaka sa mga tutubing kasinlaki ng kalabaw, normal lang `yon.

Huwag kang magtaka sa nagiging invisible na baboy, pangkaraniwan lang sila.

Huwag kang magtaka sa mga manok na nangingitlog ng bakal at isdang lumalangoy sa hangin, lahat iyan ay natural lang.

Kung hindi e sino na lang ang magiging predator ng mga tao kung wala ang malalaking tutubi?  Paano na lang makokontrol ang population growth ng pinaka-destructive na species sa kalawakan gaya ng mga tao?  Paano makapagpaparami ang mga baboy kung wala silang defense mechanism na itago ang sarili sa mga mangangaso at saan kukuha ng bakal kung hindi sila iluluwal ng mga manok?  Higit sa lahat, mas mahirap hulihin ang mga isda kung sa dagat sila nakatira.  Lalo na kung ang dagat ay may buhay at enerhiyang itinatago sa pusod nito.  Ano mang oras, puwedeng magbigay o kumuha ng buhay ang karagatan.

Kung napapaisip ka sa lahat ng ito na itinuturing mong misteryoso; baka kailangan mo ring magtaka kung bakit ka nag-e-exist sa mundo?


--- Jan Ariel Ungab

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

IBALIK ANG SHINE SA ATING SHORE: ANG PANGARAP NG MGA TAGA-BARANGGAY PUNTA

TUKLASIN: Isang "Wooden Tablet" na may kakayahang mag-flash ng video sa isang TV Screen, alamin kung saan matatagpuan!

Paano simulan ang pagsusulat ng Science Fiction?