BEHIND THE PAGES: BAYANI SA MUNDO NG MGA PIPING SAKSI
Hindi ako nagpo-promote, pero baka may mapulot kayong aral sa karanasan ko at desisyon sa buhay nang ipursigi ko ang Self Publishing nitong una kong libro (na hindi pa nasusundan dahil sa Pandemic.) Kahit nabasa mo na `to o hindi pa, basta may plano kang sumugal sa Self Publishing, mainam na malaman mo kung pa'no nauwi sa libro ang simpleng ideya na naging anak ng sama ng loob at kung bakit nakuntento ako sa iilang kopya lang. Himayin natin ang kuwento sa likod ng "Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi."
2013 noon nang umabot sa`kin ang balita na ipagkakatiwala sa`min ng mga kaibigan ko ang rerun ng isang musical play na para sa ika-150 na kaarawan ni Andres Bonifacio. Malaking bagay sa`kin na maging parte ng produksyong `yun, dahil kung tutuusin, isa itong dream project. `Yung musical play kasi na `yun ang pinakaunang theater play na napanood ko sa buong buhay ko. Doon ako nagsimulang mangarap.
Masyadong pursigido at visionary `yung dalawa kong kaibigan na nangunguna sa proyektong `to. Gusto nilang i-rewrite ang kuwento dahil sa mga loopholes ng naunang bersyon. Halos araw-araw kami kung mag-meeting noon para sa pagre-revise ng kuwento. Ilang kape sa ministop ang pinataob namin at ilang braincells ang piniga para sa pagtitimpla ng panibago. Kahit `yung bar kung saan kami umiinom para magpadulas ng kukote at lugawan para magpababa ng tama e nagsasawa na sa mga pagmumukha namin. Bagito pa lang kami no'n lahat. Kuntento na sa pulutang mani. Apat na taon na sila sa teatro habang ako naman e nakakadalawang taon pa lang. At kung papalarin, `yun ang pangalawang project na pinagtrabahuhan namin na kami ang nasa likod ng produksyon at hindi mga artistang gumaganap sa entablado.
Nakatahi kami ng bagong istorya. Masyadong imposible ang mga plano kung ikokonsidera ang budget ng produksyon. Pinangarap naming i-replicate `yung mismong Monumento ni Andres Bonifacio sa Caloocan at paikutin `yung platform para sa visual effects. (Na hindi ginawa ng nauna.) Hinimay namin lahat ng posibilidad mula sa disenyo hanggang sa kung paano ipapasok sa loob ng sinehan `yung istrukturang `yun. Pero isinantabi muna namin ang lahat at mas pinagtuunan pa ang kuwento. Hanggang sa nakabuo nga kami ng isang panibagong konsepto. Mas makatotohanan. Mas matapang. Mas maangas. Mas politikal at mas radikal kaysa sa naunang bersyon. Mas nakagigising ng pagkamakabayan. Pero biglang nagbago ang ihip ng hangin. Bumalik `yung dating direktor at sa kanya na nga ulit ipinagkatiwala ang rerun ng play dahil siya naman din talaga ang nauna noon. Para kaming naagawan ng kendi na napulot lang din naman namin kung saan. Sayang `yung mga puyat. Walang re-imbursement sa mga kapeng tinira namin. Naglasing kami nang may sama ng loob dahil naipasa na namin `yung script na pinagpaguran namin. Pero nagkaroon ako ng ideya para hindi masayang ang lahat.
Habang nagmu-move on kami dahil hindi kami ang pinili (pasok Moira,) kinakabahan din kami na baka masayang lang din `yung kuwento. At mas malala, baka maagaw ang credits. Kaya tumahi ako ng isang bagong kuwento. Pinanghawakan ko pa rin `yung konsepto na "paano kung makita ng isa sa mga bayani natin ang kalagayan ng bansa natin ngayon?" Binitiwan ko `yung naunang istorya na tinahi namin, dahil kahit revised na `yun, nakabase pa rin `yung sequencing sa orihinal na kuwento. Tumahi ako ng kuwento mula sa iba't ibang ideya. Isinalpak ko ang Astral Travel kung saan reference ko ang ilang articles at libro ni Jojo Acuin. Naging politically and socially aware. Nagbasa ng mga balita. Naghanap ng mga historical reference at isa na nga rito ang mga libro ni Ambeth Ocampo. Bukod pa ro'n `yung paggamit ko sa mga naunang research namin kung saan personal naming pinuntahan `yung mismong Monumento ni Bonifacio sa Caloocan at malapitang inobserbahan. Suwerte rin na bumagsak ako sa trabahong halos normal nang destinasyon ang pag-iikot sa mga museums. Binuhay ko `yung mga bagong karakter at humatak ng inspirasyon sa mga rap ni Gloc9 at iba pang kuwento na nahugot ko sa pakikipagkuwentuhan sa mga biktima ng social injustice sa bansa. At ipananganak na nga ang nobelang "Monumento: Ang mga Piping Saksi" na binago ko ang title nang matapos ko noong 2015 at naging "Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi".
Talon tayo sa 2019. Matagal na natulog sa USB ko ang manuscript. May ilang mga nakabasa. Ipinasa ko sa isang contest na hindi rin naman nakapasok. Siguro dahil sa dami ng typo-errors, sablay na balarila at mga references na puwedeng maging kuwestyunable sa copyright issues, hindi ito pinansin ng patimpalak.
Pero mahalaga sa`kin ang nobelang ito. Dito kasi nasubok `yung tiyaga ko. Naging output ko rin ito sa tuwing may sama ako ng loob sa mga nababalitaan ko at sa tuwing may gusto akong ilabas. Kapag binabasa ko nga ito ngayon, napapansin ko na lang na may mga paniniwala pala akong medyo nagbago na. Dahil doon, pinursigi ko na i-self publish ang libro, hindi para pagkakitaan kundi para lang ma-immortalize ang una kong akda at ialok ang ilang kopya para naman masabi ko kahit paano na may libro na ako matapos ang ilang taon.
Narito ang ilang konsiderasyon ko sa Self Published Project na `to: Una, naghanap ako ng editor na komportable akong pagkatiwalaan. Nakilala ko ang isang kaibigan na taga-Obando lang din, sa kanya ako nagpa-edit. Siyempre, hindi libre. Nagbayad ako nang hindi bababa sa P700.00 pesos para sa 21,000 word na manuscript. Mura na `yun kung tutuusin dahil kasama na ang formating ng manuscript. Libre naman `yung Book Cover dahil sa napakahusay kong kaibigan na Graphic Artist at Indie Film Director. (Naks!) Pangalawa, naghanap din ako ng murang printing press. Kailangan ko ng papatol sa iilang copies lang dahil maliit lang ang budget ko. Nakahanap ako ng isa na atleast 3 copies ang minimum. Puwede na. Target ko na umiri ng 30 copies. Nagpa-print ako ng 11 copies sa unang batch (kasama ang proofing copy, kaya siya 11) at 15 sa ikalawa. 30 sana ang target pero hindi na kinayang pumangatlo.
Malalapit na kaibigan at isang grupo ang mga naging masigasig na supporter ko. Binigyan ko ng libreng kopya `yung mga sobrang close friend na coleague ko rin gaya nga nitong dalawa kong kaibigan na magdidirek sana ng rerun ng musical play noon na sinulat namin. Nakahanda `yung loob ko na hindi ako kikita rito at magiging abonado pa `ko. Pero dahil wala akong balat sa puwet, hindi naman ako nalugi. Kahit pa'no, bumalik `yung pinuhunan ko. Ang mahalaga, sigurado na `kong may mga bookshelf ngayon na kasama ang libro ko.
Kung babasahin mo itong nobela na `to at maiisip mo na boring o parang sinaunang libro ang pagkakasulat, pasensya na. Inspirado kasi ako noong mga panahon na `yan sa Noli Me Tangere, El Filibusterismo, at mga nobela ni Lualhati Bautista. Pero hindi ko `yan ni-rewrite. Hiniling ko noon sa editor na linisin lang ang typo-errors at balarila, pero huwag na `ka ko i-rephrase `yung writing voice. Gusto ko kasi na makita `yung improvement ko mula sa pagpipilit ko na maging manunulat hanggang sa mahinog ako at maging ganap (na yata.) Hanggang ngayon, marami pa `kong natututunan at dapat matutunan. Pero lahat ng pagkakamali ko, natutunan kong plantsahin nang sumugal ako para sa proyektong ito. Hindi ko sinasabing sumugal din kayo gaya ko. Pero tandaan n'yo na kahit kailan, hindi kayo mahahasa kung hindi kayo susubok at tataya. Huwag kayong matakot magkamali at huwag masaktan sa mga kritisismo, bahagi `yun ng pagkatuto. Kapag masyado kang balat-sibuyas para tumanggap ng mga opinyon, hindi mo mabubuksan ang isip mo sa reyalidad na maraming perspective ang kailangan mong isaalang-alang sa pagsusulat. Pero ang mahalaga, magsulat ka nang nakaayon sa katotohanan. Hindi puwedeng nagsusulat ka lang ayon sa kung ano ang trend o para sa specific interest ng mga target reader. Kapag minadali mo ang mga bagay-bagay dahil gusto mong sumikat kaagad, posibleng sumikat ka sa maling dahilan. Baka hindi lang kritisismo sa trabaho ang matanggap mo kundi pagbatikos sa mismong resulta ng hindi maganda at malinaw na layunin mo sa pagsusulat. Lalo na, malakas ang impluwensya ng panulat. Binabago nito ang pananaw ng isang komunidad o henerasyon, gaya nang kung pa'no ito ginawa ng mga nobela ni Pepe noon. Isipin mo na lang. Sino'ng model writer mo ngayon at gaano kasustansya ang kaisipang isinusubo niya sa`yo? Kung lumiliko na ang utak mo sa salitang "subo", kabahan ka na. Baka mali ka ng binabasa at kinikilala.
Kung interesado kang mabasa, narito ang wattpad link dahil available na rin ito sa wattpad:
https://my.w.tt/JSggrVEcSab
Kung hindi mo makita, i-follow mo na lang ako sa wattpad. Basta hanapin mo lang "Jan Ariel Ungab", idamay mo na rin `yung instagram ko @janarielungab at ang aking youtube channel na "The J Diaries".
--- Jan Ariel Ungab
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento