PLUMA AT IMPLUWENSYA
Larawan ng aking MOP Journal o Blue Note Book. Kasama ng mga Homemade Komiks ko na highschool ko pa gawa. Lahat ito, parte ng koleksyon ko mula sa isang lumang baul. Puwede na sa Museum! |
Kung iniisip mo na makababasa ka sa akdang ito ng mga teknik sa pagsusulat, pasensya na pero nagkakamali ka. Mas mabuti kung huwag mo nang ituloy ang pagbabasa dahil baka sa huli ay madismaya ka lang. Isinulat ko ito para sa mga pangarap na kulang sa apoy. Pakiramdam ko kasi ay trabaho ko ang magpabaga sa mga tuyong uling ng kanilang musmos na ambisyon. Para rin ito sa mga natutuyuang sinaing, pakiramdam ko kasi ay trabaho ko ang magdagdag ng tubig sa kaldero nila, bago sila matutong sa maling sukat ng sabaw. Pero higit sa trabaho, ito ay isang tungkulin dahil hindi ko hangad ang ano mang kabayaran.
Matapos ang paghiram ng isang iskuwelahan sa isa sa aking mga akda noon na ginamit para sa kanilang School Journal, naisip kong kailangan ko palang maging mas maingat sa pagsusulat at paglalapat ng mga ideya. Walang makapagsasabi kung saan makararating ang akda mo, at kung gaano kalalim ang magiging tarak ng mga ideyang pinahid mo sa papel. Noon ay iniisip kong nagsusulat ako para mahasa at kumita sa sining na pinupuhunanan ko ng intelekto, pero nagbago ang lahat nang makita kong malakas ang impluwensya ng panulat ko sa mga batang manunulat. Kung imumulat ko sila sa maling pananaw, baka hindi mga manunulat na may pagmamahal sa sining ang malikha ko, kung hindi mga manunulat na naghahangad ng punong bulsa. May mga kilala akong gan'yan.
Sabi ng isa sa mga paborito kong manunulat na si Lualhati Bautista, "Ang mga manunulat ay laging walang pera." Totoo naman, maliban na lang kung hindi sining ang nililikha mo kundi mga kasinungalingan at pambobola. Alam ko `yan, dahil nagsulat ako noon para sa promosyon ng isang Newly Invented Alternative Generator Device. Ilang mga presidente rin at inhinyero ng malalaking kumpanya ang nakasalamuha ko. Lahat sila napaniwala ko, hindi nila nabasa ang mga nagtatagong duda sa mata ko. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko `yun.
Kasunod ng paghiram ng iskuwelahan sa isa sa mga akda ko, naimbitihan din nila ako para maging Resource Speaker sa kanilang Filipino Summer Journalism Camp. Dito ko lalong naunawaan na ang talento ay hindi talento kung hindi mo pa natutuklasan ang rason kung bakit ibinigay sa`yo ang kakayahang ito. Hindi pagkita ng pera sa mga libro at pagsikat sa merkado ang tunay na kahulugan ng pagiging manunulat, ito ay tungkol sa pagiging inspirasyon at tagamulat ng mata.
Nang minsan kong makausap ang isang kaibigan na pinanghihinaan ng loob, dahil wala raw nagbabasa ng mga sinulat niya, tinanong ko siya kung bakit may bumbero? Malinaw ang naging sagot niya, "...dahil may sunog." pero hindi nagiging bumbero ang isang tao dahil gusto niya na laging may sunog, nagiging bumbero siya dahil sa tawag ng hangaring makatulong sa panahon ng krisis. Gano'n din ang mga manunulat. Hindi sila nagsusulat dahil gusto nilang may magbasa, nagsusulat sila dahil may mga magbabasa. Tulad ng mga bulaklak na namumukadkad sa tagsibol, may panahong gutom sa kaalaman ang mga tao. At kapag nagliliyab ang mga gutom nilang karne sa loob ng bungo, akda ang tubig ng mga manunulat na tatayong bumbero sa nag-aalab nilang hangarin na matuto. Sa madaling sabi, may panahon ang lahat dahil hindi masarap ang hinog sa pilit.
Bago pa mauso ang wattpad, ginagawa nang libangan ng mga kaklase ko noon ang mga home made komiks ko with original story lines. Akala ko noon, illustrator at animator ang pangarap ko. Pero nabuksan ang bagong pinto ng sining sa`kin matapos ang makulay kong karanasan bilang artista ng entablado at ginampanan ang ilang karakter, kabilang ang pagiging makata sa balagtasan. Nakakasilaw ang ilaw at nakakalunod ang palakpakan ng mga tao sa sinehan, sapat na para mahalin ang noo'y nahuhubog ko nang interes sa pagtahi ng mga salita. Matapos ang training ko sa banko, nagsimula naman ang OJT ko sa isang ospital kung saan pumanaw ang Tatay ko ilang taon ang nakararaan. Doon ko nasimulang mabuo ang mga kuwentong magiging kislap sa mitsa ng bagong landas. Mga kuwentong nabubuo halaw sa mga tunay na pangyayari.
Mula sa pagguhit, pagpinta, at pag-arte sa entablado, nagsimula na akong mahubog sa pagsusulat sa tulong na rin ng ilang mga karanasan at kaibigang may eksperyensya na rito. Pero hindi naging madali ang lahat. Malubak ang landas ng mga humahawak sa pluma. Susubukan ng marami na hadlangan ka. Kapag hindi ka matatag, sarili mo mismo ang magpapabagsak sa`yo dahil pagdududahan mo ang kakayahan mo. Habang nahahasa ang pagtahi mo ng kuwento, unti-unti mo ring madidiskubre na marumi ang paraan mo ng pagsusulat dahil sa kakulangan mo sa kaalamang teknikal. Normal `yun, pero kailangan mong seryosohin ang paghasa ng sarili sa parehong paraan na teknikal at malikhain. Pero sa huli, kapag nalunok mo na ang lahat sa mundo ng sining na ito, alalahanin mo ang kasabihan ni Mang Albert: "Imagination is always more important than knowledge." para hindi ka makulong sa limitasyon ng teknikal na sistema.
Sabi noon ng mentor ko at direktor namin sa theatro, ang tunay na magaling daw ay hindi niya alam na magaling siya. Tila nag-uugnay ang mga paniniwala ng mga taong nasa larangang ito. Naalala ko rin kasi noon ang sinabi ng dati kong boss na former director naman sa holywood. Sabi niya: "You are not good, until your last job is." Mukhang nabubusog ka na sa Words of Wisdom dito ah. Paalala lang. Sabi ng professor namin noon sa Literature: "Wisdom is knowledge that has been applied." Kung gusto n'yo naman ng Words of Wisdom na galing sa`kin, sige na nga. Heto...
Ang doktor ay nanggagamot, pero hindi bumubuhay ng patay. Ang pulis ay naglilingkod, pero hindi pinaglilingkuran. Ang guro ay nagtuturo, pero hindi nanduduro. Ang tagaluto ay nagluluto, pero hindi nagpapalamon. Gaya nila at ng iba pa, ang mga manunulat ay nagsusulat, pero hindi nagpapasikat. Sinusulat niya lang kung ano ang nakikita ng kanyang mga mata, mga nararanasan niya at nararamdaman, maging mga pananaw at hinaing. Binibilad ang mundong nais niyang ibahagi sa mga mambabasa. Ang manunulat na nagpahid ng utak niya sa libro, ay nakikipag-usap sa mambabasa sa pamamagitan ng emosyonal na koneksyon---ito ay ang tinatawag na Catharsis.
P.S.
Nasa EDSA ako ngayon, nag-aaksaya ng dalawang oras ng buhay ko sa paghihintay ng masasakyan. At kung papalarin nang makasakay, dalawang oras naman sa traffic ang itatapon ko. Kapag ganitong pagkakataon, parang angsarap tumakbong nakahubad sa gitna ng kalye habang umaalog ang putotoy. `Yung tipong magpapatangay ka na lang sa hangin at magpapanggap na isang Carbon Dioxide.
-- Jan Ariel Ungab
(Mula sa aking "MOP Journal", taong 2018)
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento