|
"Ang bayan ay `di dumaraing sapagka't siya'y piping tagasunod, hindi kumikilos pagka't nahihimlay. Ayon sa inyo'y hindi siya nagtitiis, pagka't hindi ninyo nadarama angkanyang pusong nagdurugo! Ngunit balang araw ay makikita ninyo at maririnig ang kanyang mga hinaing. Sa aba ng mga nawiwiling manlinlang at nagsisipaglamay sa gabi sa paniniwalang lahat ay nakakatulog." (Linya ng underrated na pilosopo sa bayan ng San Diego, mula sa nobelang "Noli Me Tangere" ni Jose Rizal; si Pilosopo Tasyo) |
Mahilig ako sa mga underrated. Underrated na pelikula, gaya ng mga indiefilms. Underrated na TV Series gaya ng 'Bayan Ko' at 'Katipunan' noon, sa GMA. Angsarap manood kapag walang magkapatid o mag-ina na nagkakahiwalay, walang naka-wheelchair na nahuhulog sa hagdan at walang nagkaka-amnesia dahil sa Car Accident na kung hindi sinabutaheng sasakyan ang dahilan e basta tanga lang `yung bida.
Walang ligtas sa`kin ang mga underrated na anime. Alam n'yo `yung mga sikat na anime ngayon? Panis `yan sa Hell Teacher Nube, Zenki, Dragon Ball, Ghost Fighter, Lupin the 3rd at mga Studio Ghibli Films. Kakaiba ang tama sa`kin ng mga underrated na kuwento ng mga underrated na libro, kung saan underrated ang author kung minsan. Pero madalas, sa underrated na artist gaya ni Larry Alcala. Kilala n'yo `yun? Hindi siya underrated. I-google n'yo. Mahilig din ako sa music, kaya patay na patay ako sa underrated na banda gaya ng Orange & Lemons at sa mga underrated na kanta nila kung saan ang alam lang ng lahat na kanta nila e "Umuwi ka na baby...hindi na `ko galit."
Kahit sa lamang-tiyan wala akong patawad. Trip ko rin ang underrated na pagkain. `Yung tipong hindi ka mabuburaot ng kaibigan mo, dahil lason sa kanya `yung kinakain mo gaya ng mga gulay na hindi ko maintindihan kung bakit hindi trip ng iba, samantalang ako, minsan bine-blender ko pa. Example: Ampalaya.
Kung may underrated na pagkain, siyempre may underrated na inumin, gaya ng kape na ang requirement ko e dapat bagong kulo ang tubig, tapos iinumin ko lang kapag malamig na. Umiikot ang mundo ko sa mga underrated. Underrated na pormahan. Underrated na damit at lonta. Underrated na sombrero. Underrated na bag. Underrated na mga kaibigan. Underrated na trabaho. Underrated na sahod. Underrated na estilo. Underrated na pasyalan. Underrated na sulatan. Underrated na ballpen na kahit mapulot ko lang sa kalsada e pinakaiingatan ko pa rin. At higit sa lahat...underrated na pananaw at pilosopiya.
Pero sa kabila ng mga `yan, hindi ko masabing underrated ako. Hindi dahil mayabang ako at sikat ang tingin ko sa sarili, kundi dahil mataas ang tingin ko sa mga underrated dahil sukatan ko ang quality at value nila. Ika nga sa kasabihan: "Diamonds are expensive, because it's rare."
Speaking of 'diamonds'. Naalala ko ang isa sa mga kuwento ni F. Scott Fitzgerald na "The Diamond as Big as the Ritz". Sa kuwento, napadpad ang bida sa tahanan ng pinakamayamang pamilya sa lugar nila. Pero hindi sila ang numero uno sa listahan ng mayayaman doon. Sa sobrang yaman kasi nila, kailangan nilang ilihim ang sikreto nilang pamumuhay na marangya pa sa inaakala mo. Mula sa mga upuan ng limousene hanggang sa iba pang gamit sa tahanan, halos lahat yari o may nakasalpak na diyamente. Sa mga baso, pinggan, ilawan, mga butones, at iba pa na animo'y tinatae lang nila ang diyamante sa sobrang dami nito. Pero kung iniisip mong ginagawa na nilang baso at kagamitan ang mga diyamante dahil wala nang mapaglagyan, iniismol mo pa sila n'yan. Dahil `yung mismong mansyon nila ay nakatirik din sa isang burol na yari sa diyamante at natatabunan lamang ng lupa. Sa sobrang higpit ng seguridad, kahit may mapadaan lang na eroplano, kinakanyon na agad ng mga kawal, para hindi matanaw ang lihim na mansyong hindi nakasaad sa mapa ng siyudad. Kasi nga hoarder sila ng diyamante. Ang tanong, ano ang halaga ng diyamante kung halos napupulot mo na lang ito kung saan-saan? Sa tahanang hindi pa nakakakita ng ordinaryong baso, alin ang may mas mataas na halaga? Ang yari sa diyamante o ang yari sa ordinaryong seramiko lang? Kung gusto mong malaman `yung kabuuan ng istorya at kung paano nagtapos; basahin n'yo si Fitzgerald. Hindi siya underrated, pero underrated siya sa kabataan ngayon, dahil sa wattpad.
Pero ano nga ba ang punto ng kuwentong ito? Pag-usapan natin ang Law of Supply and Demand. Sa Economics, mahalaga ang principle na ito. Mahalaga ang equilibrium sa Supply at Demand. Kapag mataas ang demand at mababa ang supply, tumataas ang halaga ng produkto. Sa kabilang banda, kapag mababa ang demand pero mataas ang supply, bumababa ang halaga ng produkto. Ganito rin ang nangyayari sa industriya ng panitikan sa Pilipinas ngayon. Ayaw kong sisihin ang wattpad, pero pag-usapan na rin natin, hindi para ibagsak kundi para bigyan ng pagninilayan ang mga mambabasang kabataan, tulad mo, na sa hindi maipaliwanag na dahilan e parang binubulungan ng demonyong tapusin ang pagbabasa ng post ko na `to, kahit hindi mo naman ako kilala o hindi rin ako sikat. Siguro, pamilyar kayo sa terminolohiyang "Undiscovered Gems" sa Wattpad o `yung mga tinatawag na "Underrated Writers". Bakit nga ba sila hindi sikat? Kahit mahusay ang tingin sa kanila ng iba? Dito ngayon papasok ang salitang "bandwagon effect".
Ano nga ba ang "bandwagon"? Ayon kay google, ang bandwagon daw ay: "Reference to an activity, cause, etc. that is currently fashionable or popular and attracting increasing support." Pero para mas madali mong maunawaan `yung metapora ng terminolohiyang ito, mas mabuting panoorin mo `yung music video ng "Welcome to the Black Parade" ng My Chemical Romance, kung saan nakasakay ang banda sa isang "wagon" na ginagamit sa isang parada o prusisyon na siyang dahilan para maging sentro sila ng atensyon. I-apply natin ang formula na ito sa wattpad. Bibigyan kita ng tips kung paano sumikat sa pamamagitan ng bandwagon effect:
Tip #1: Kapag gusto mong sumikat sa wattpad, magsulat ka ng genre na sikat din at kinababaliwan ng lahat gaya ng Romantic Comedy, baduy na love story, fantasy kung saan may hari na lagi na lang nagkakasakit at mga prinsesang palaban na kailangan may laging tagapagligtas o katipan with super powers gaya ng ability to eat raw lizard and cockroach. Puwede rin `yung gaya ng mga kuwentong patayan para cool o mga nakakainit ng laman gaya ng erotic stories with incest at pedophilia na enabler ng rape culture at sexual objectification ng mga kababaihan.
Tip #2: Dapat fan ka rin ng sikat. Tandaan mo ang kasabihan, kapag may usok, may apoy. Puntahan mo `yung usok dahil nando'n ang apoy. Sakyan mo ang bandwagon at sabayan ang agos ng tubig. Imadyinin mo na lang na nasa harapan mo si Harry Roque at tinatawag ka: "Tara na sa Boracaaay!" Kapag napansin ka na rin at nakapukaw ka na ng atensyon, mapapabilang ka na sa labindalawang apostoles ni Hesukristo. Edi ligtas points na agad sa langit!
Tip #3: Kung ano ang demand, `yun ang supply. Kapag basura ang demand, basura rin ang supply. Natural `yun. Huwag mong aalukin ng lugaw `yung naghahanap ng tubero. Sa madaling salita, kung mas madaling humakot ng parokyano ang mga kuwentong mababaw, bastos, at walang pilosopikal, sosyolohikal o sikolohikal na pagpapahalaga, `yun ang sundan mong formula.
Pero may problema ang ganitong formula. Maraming nag-aagawan ng atensyon sa Wattpad, hindi dahil natatabunan ng magagaling ang mga underrated, kundi dahil natatabunan sila ng mga sikat na author na sikat na tema ang sinusulat dahil ang temang `yun ang kino-consume ng bandwagon sa kabataan. Magkaiba ang sikat at magaling, dahil hindi lahat ng magaling ay sikat. Walang problema sa pagkakaroon o pagsusulat sa iba't ibang genre. Mahalaga `yun sa pagpapalago ng isang komunidad na nagbabasa. Kung nakasusulasok man ang bandwagon, hindi `yun kasalanan ng manunulat, kundi kasalanan ng mambabasa na silang lumilikha ng manunulat nila. Kapag namasyal ka sa kahit na anong bookstore, makikita mo ang pagkakaiba ng presyo ng mga librong likha ng mga kilala sa wattpad at ng mga beterano na kinikilala sa panitikang Pilipino. Kung sino ang hindi mo kilala; kung sino ang may hindi makulay na pabalat; kung sino ang hindi nakakakiliti ang pamagat ay sila pa ang mas mataas ang halaga at presyo. Gano'n talaga, kasi nga: "Diamonds are expensive, because it's rare."
Kung seseryosohin mo at pagtitiyagaan ang pagiging manunulat, may dalawang landas ka na dapat pagpilian. Ang landas ng pagiging sikat o ang landas ng pagpapayaman sa sarili at pagbibigay-ambag sa mga nauuhaw na kukoteng nadidiligan ng maling pataba? Walang madali sa dalawang `yan, pero alin man, piliin mo pa rin ang maging isang mabuting manunulat na may puso at kabuluhan.
Kung isa ka sa mga sikat na sa "wattpad" at marami nang followers, pagnilayan mo ang mga bagay-bagay na `to, bago mag-mature `yung mga mambabasa mo na kalaunan e maghahanap na ng ibang boses at mas makabuluhang kuwento. Kung isa ka sa mga underrated, hindi mo kailangang panghinaan ng loob. Hindi ka puwedeng tumigil dahil lang walang pumapansin sa`yo. Iisang platform lang ang wattpad. Parang aquarium. Kung hindi ikaw ang pinakamalaki, huwag kang mag-aalala, dahil pagtalon mo sa dagat, makikita mong maliliit lang din pala silang mga nakaaangat sa`yo. Ang mahalaga, araw-araw, natututo ka. Sumusubok ng bago. Nagbabasa ng mga kuwentong hindi pangkaraniwan. Bilang isang underrated author, kahit nasa simula ka pa lang o nasa gitna na, huwag kang susuko. Panahon ang nagdidikta kung kailan niya isisilang ang mga sanggol na hindi pa hinog at handa. Sumipa ka lang nang sumipa, para maramdaman ng lahat na malusog na utak ang nakatakdang isilang ng tadhana.
--- Jan Ariel Ungab
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento