BEHIND THE PAGES: THE WRITER'S BRIDE
"Write to express, not to impress."
"Write from your heart and don't just follow the trend."
"Write with a purpose and not just because you want to be famous."
Ilan lang `yan sa mga gasgas na pangaral na siguradong narinig n'yo na. Maaaring sinabi sa inyo, kinomento sa akda n'yo o kung hindi man e naging malaking balakid sa creative freedom n'yo dahil sa pagiging conscious sa sasabihin ng iba. Dahil d'yan, nandito nanaman tayong muli sa isang segment ng "Behind The Pages" kung saan kukuwentuhan ko nanaman kayo kung pa'no ipinanganak ang isa sa mga akda ko na siguradong hindi n'yo pa nababasa, pero huwag n'yong basahin dahil baka mahusgahan akong nagpo-promote.
Pag-usapan natin kung pa'no ko nabuo ang isa sa mga akda ko na tinawag kong "accidental novel" dahil lang sa hindi ito nagsimula sa mabusising proseso ng storyline, outlining at research. Sana walang tumaas na kilay. Pag-usapan natin kung paano ko kinalikot ang neurons ko para sa kuwento na tampok ang isang batikang manunulat at ang tagahanga niya na naging "The Writer's Bride". Sa palagay ko kasi, ito ang pinakamadaling paraan para maunawaan n'yo kung pa'no nga ba isabuhay `yung mga walang kamatayang tips na: "Write to express, not to impress." "Write from your heart and don't just follow the trend." "Write with a purpose and not just because you want to be famous."
First quarter ng 2018, nagsara ang pinagtatrabahuhan kong Science Exhibit sa Manila Film Center. Sa pag-asang magbabalik ito makalipas ang isang buwan, tumanggi ako sa magandang job offer ng isang museum tungkol sa maritime history. Nag-focus ako noon sa pagtasa ng isang proposal sa boss ko para sa pagtatayo ng isang Exhibit tungkol sa mga Plastic (hindi `yung bes mo. Plastic na materyal `to.) Naging abala rin ako noon sa proyekto na indiefilm kung saan ginawang entry sa isang Shortfilm Festival ng kaibigan kong direktor ang isa sa mga akda ko. Pagkalipas ng lahat ng `yun, isa na `kong official tambay. Nababad ako sa pagsusulat. Sumali ng mga writing groups. Nag-intrude sa mga wattpader sa pag-asang makapag-promote ng mga naging akda ko na at ng film namin. Noong mga panahon na `yun, marami na rin namang nakakikilala sa reputasyon ko sa pagsusulat...na mga wattpad readers, kahit hindi ako sikat o magaling.
Madalas akong makabasa noon ng mga bangayan ng mga bagitong manunulat. Madalas akong makasagasa ng mga hilaw na tema ng kuwentong humihiling ng critique. Sa mga gano'ng bagay, seryoso ako, brutal at totoo kung magsalita. Mabuti nga't walang naiinis sa`kin noon. Hindi rin naman kasi ako nakikipag-inisan. Pero nando'n ako sa punto palagi na walang habas kong binubuking `yung trip ng mga bata. Nagsusulat sila ng kuwentong inspired sa nabasa lang nila, gaya ng mga kuwento ng mayaman at guwapong nagkagusto sa katulong niya. Bampira at wearwolf na nag-aagawan sa babae sa halip na magkagatan. Apat, lima o sampung lalake na nagkagusto sa iisang babae lang. O kaya mga Kdrama inspired o anime inspired na kuwento gaya ng isang iskuwelahan na nagpapatayan `yung mga estudyante, para lang cool.
Naumay ako. Hindi ko masikmura, pero ayaw ko rin namang sapilitang isubo sa mga kabataan ang pagbabasa ng mga may kabuluhang libro. Dito na pinanganak sa utak ko ang pagsusulat ng isang "Anti-wattpad-wattpad-story". Isang Short Story na magpapakilig, pero magpapasaring at magbibigay-aral sa parehong pagkakataon. Kumplikado siya sa isip ko noong una, hanggang sa maalala ko `yung nakakatakot na professor namin noon sa kolehiyo sa kursong "Research" at "Thesis Writing". Gano'n kabilis lang, isinilang ang konsepto ng isang wattpad reader at avid fan ng isang author na magbabago ang takbo ng buhay at pananaw matapos makilala ang isa pang professional author na hindi sikat sa mundo ng wattpad. Dito na nabuo si Ernesto Evangelista na marahil hindi alam ng mga nakabasa na noon na binase ko siya sa isang tunay na propesor.
Plano ko talaga no'n, short story lang ito. Pampakilig, tapos sabay sampal ng reyalidad sa ending. Kaso palagay ko hindi uubra. Kailangan ko munang ipayakap sa mga mambabasa `yung pagkatao ng mga karakter. Umabot sa sampung kabanata. At nanganak pa nga nang nanganak hanggang sa lumawak na ang kuwentong hindi lang nagpapakilig, nagbibigay aral at inspirasyon, kundi may kasama pang ASMR experience. (Lalo na kung `yung final manuscript ang mababasa n'yo.)
Pero para lang din makuha n'yo `yung prosesong pinagdaanan nito at kung paano ko ito inisip, narito ang ilang mga bagay na kinonsidera ko:
1. Alam ko na hindi basta papatusin sa wattpad ang kuwentong ito. Tanggap ko na at nakahanda ako, pero sumugal pa rin ako, dahil iniisip ko noon na baka sakaling ito ang umakay sa mga wattpad readers papunta sa landas ng mas makabuluhang literatura. Ambisyoso `di ba? Pero para lang din sa kaalaman n'yo, hindi ko ito sa wattpad unang ipinost kundi sa isang facebook group ng mga wattpad readers and writers. Kaya may instant review `yung akda ko no'ng mga panahong `yun.
2. Alam ko na ayaw ng mga wattpad readers ng seryoso o masyadong malalim, kaya Romantic Comedy ang pinili kong tema. Pero dahil gusto ko'ng maging slice of life ito para sa mga naghahanap ng aral sa buhay at inspirasyon sa pagsusulat, wala akong ano mang mabigat na conflict na inilagay. `Yung tipong pagkatapos mong basahin, sasabihin mo na lang na "Ang sarap mag-roadtrip sa Baguio at magpraktis ng writing skills sa journal." Linear, ika nga.
3. Marami akong personal na pananaw at karanasang isinalpak sa kuwento. Mga saloobin na nai-translate ko sa artistikong pamamaraan para mapakibagayan ng mambabasa ang mga karakter. Binigyan ko sila ng buhay sa paraan na parang kapit-bahay mo lang ang bidang si Lydia o bestfriend mo na may pagkabaliw-baliw ang personalidad.
4. Alam ko na may matututunan ako sa pagsusulat ng kuwentong ito. At naging baon ko ang lahat ng `yun sa mga sumunod ko pang akda matapos kong mahanap ang mga kakulangan ko at ang mga pagkakamali ko sa "Bayani sa Mundo ng mga Piping Saksi" na dito ko nagawang itama.
5. Bagama't Love Story o RomCom ang napili kong tema para rito, naging tapat ako sa layunin ko na bahagyang isampal sa mga mambabasa na kung walang sustansya ang binabasa nila, hindi `yun kasalanan ng awtor kundi kasalanan nila na siyang pumipili ng manunulat dahil nga sa kultura ng bandwagon sa platform na ito.
Hayaan n'yong bigyan ko kayo ng tips sa puntong ito. Kung nagsisimula pa lang kayo sa pagsusulat, huwag na huwag n'yong gagawin ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ng lahat. (Masuwerte ako na hindi ko rin ito ginawa.) Huwag kayong magsusulat ng kuwentong inspired sa napanood n'yo lang o nabasa n'yo. Huwag! Kung mag-iisip kayo ng kuwento, mag-isip kayo ng kuwento ayon sa personal n'yong layunin. Mas mainam kung para sa sarili. Isulat n'yo `yung kuwento na gusto n'yong mabasa. Isipin mo na nagsusulat ka dahil may mambabasa ka na agad---at sarili mo `yun. Walang masama. Huwag lang aabot sa puntong magpapa-autograph ka sa sarili mo at magpapa-picture pa habang nakikipag-meet and greet. Matatakot sa`yo `yung mga kasama mo sa bahay.
Ito naman ang pinakamahalagang suhestyon ko. Kung nagsisimula ka pa lang yakapin ang sining ng pagsusulat, magsimula ka sa pagtahi ng mga "Maikling Kuwento" o "Short Story". Hindi ko alam kung bakit "One Shot" ang tawag ng mga wattpad writers at readers doon. Hindi ko alam kung saan galing `yung ideyang `yun. Basta, magsimula kayo sa Maikling Kuwento. Kapag nahasa kayo d'yan, magiging madali na sa inyo ang pagsusulat ng nobela, dahil ang nobela ay binubuo ng mga maiikling kuwento na kung tawagin e kabanata.
Sana isang araw, ikaw na nagbabasa e makasulat din o makasulat pa ng mga kuwentong hindi lang basta na-inspire sa napanood mo o nabasa, kundi dahil tinatawag ka ng isang layunin o dahil batid mo ang isang matinding pangangailangan. Gaya nang kung pa'no ako itinulak ng mga pangangailangang nakita ko para tahiin ang "The Writer's Bride". Walang shortcut sa paghusay at walang gumagradweyt sa pagkatuto. Lahat dumadaan sa walang hanggang proseso. Kung mananatili kang nakatali sa isang partikular na kasanayan, pananaw, o paniniwala dahil lang sa egotismo at pag-aakalang alam mo na ang lahat, darating ang araw na malalagpasan ka ng iba. Huwag ka ring maging biktima ng bandwagon at wattpad mentality na nakakulong na lang sa mga umiikot na kuwento sa platform ang pagbabasa. Hangga't maaari, magbasa kayo ng iba pa. Magbasa kayo ng diyaryo, blog, narrative books, biographies, encyclopedia, bible, at kung ano-ano pa. Hindi ka puwedeng maging manunulat kung hindi ka mambabasa. Gaya ng hindi ka puwedeng mabuhay, kung hindi ka humihinga.
--- Jan Ariel Ungab
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento