"Mr. Sunshine" Netflix Series Review
Dalawang beses ko nang napanood nang buo ang lahat ng episodes ng Korean Drama na `to. Tatlong beses sana kung natapos ko noon sa GMA. Noong una, solo ko lang pinanood. Ilang beses akong naluha. Nitong huli, kasama ko nang manood `yung girlfriend ko. Siya naman `yung umiyak.
Ang timeline ng kuwento; late 1800's to early 1900's sa Korea. Anak ng mag-asawang alipin sa Joseon ang bida (si Yu Jin/Eugene.) Pinatay ang Tatay niya matapos pagbintangan na nagnakaw, habang nagpakamatay naman ang ina matapos ibuwis ang buhay para lang mapatakas ang noo'y sampung taon pa lang na bida. (Pero may political story sa likod ng insidenteng ito.) Tumakas ang bata dahil papatayin din kasi sana siya, ayon kasi sa maimpluwensyang nobleman ng Kim Family, ang kasalanan daw ng mga magulang ay kasalanan din ng anak.
Sa tulong ng isang potter na nakatira sa tabing-dagat at misyonaryong amerikano, naipuslit ang bata papuntang Amerika, para takasan ang mapang-aping sistema ng Joseon noong mga panahong `yun. Fast forward. Naging American Soldier ang bata at kalaunan e na-assign uli sa Joseon bilang American Legation Officer. Inatasan siyang i-assasinate ang isang American Collaborator sa Joseon na nakikipagmabutihan sa gobyerno ng Japan. Noong gabi ng assasination na `yun, isa pang sniper ang nagkataon na nakasabay niya---si Ae Sin.
Fast forward uli. Nahulog ang loob niya sa hindi pangkaraniwang dalaga na mula sa isang noble family. Si Ae Sin nga. Hindi pangkaraniwan, dahil (secret lang `to ha), miyembro ng isang informal civilian militia ang dalaga. Ang Righteous Armies. Para lang alam n'yo, ang Righteous Army sa kasaysayan ng Korea ay maraming beses na lumitaw para makipagtulungan sa National Armies sa mga panahong kinakailangan sila. Binubuo sila ng mga sibilyang karaniwan ay mga ordinaryong mamamayan lang na nakipagbakbakan sa mga hapon noong panahon ng pananakop nito sa Korea. Parang Guerilla Units sa Pilipinas noong panahon ng hapon dito sa atin.
Bakit ko `to kinukuwento? Fictional ang mga pangunahing karakter sa kuwento, pero totoo `yung historical event na involve sa serye. Nai-share ko lang. Ito na yata `yung pinaka-patriotic na series na napanood ko. Hindi cringey `yung pagka-patriotic na tipong "handa akong mamatay para sa bayan", kundi patriotic sa point na mauunawaan mo `yung mga pinaghuhugutan kung bakit may mga taong handang mamatay para sa bayan nila. `Yung tipong habang naiinlab sa isa't isa `yung mga karakter, naiinlab ka rin sa ipinaglalaban nila. Sa mga panahong `to, at lalo na sa mga nangyayari ngayon, palagay ko mahalagang makapanood nang ganitong klase ng series `yung mga Pilipino. Hindi dahil maiinlab kayo sa Korea, kundi dahil nakakahawa `yung Patriotism ng istorya.
Hindi ako mahilig manood ng Korean Drama, pero matindi talaga `yung impact ng series na `to sa`kin. Matindi pa sa naging impact ng "Doctor Romantic". Kapag DDS ka, sana huwag mong isipin na dilawan o terorista `yung mga koreano. Ang-weird mo no'n. Kung normal na Pilipino ka naman na may normal na kaisipan, siguradong mapapa-"shit" ka kapag napansin mo nang pamilyar `yung galawan ng mga karakter na traydor sa bayan nila, na humahalik sa puwet ng mga dayuhang mananakop, na nagresulta ng madilim na kapalaran ng Joseon. Uulitin ko. Hindi ako mahilig sa Korean Drama. Kaya kung nag-post ako nang ganito para sa isang Korean Drama, ibig sabihin no'n...hmm...bahala na kayo. Hindi na `ko magbibigay ng iba pang detalye para hindi kayo ma-spoil. Availbale naman `to sa Netflix eh.
"In this world, differences certainly exist. Difference in power. Difference in opinion. Difference in social status. But you're not to blame for that. And neither am I. It's just so that we met... in this kind of world."
~ Eugene Choi
Photos from facebook page: Mr. Sunshine PH
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento