MARKETINGISTRATEDYI.

"Integrity is telling myself the truth.  And honesty is telling the truth to other people."
~Spencer Johnson

 


Pa'no mo nga ba mapapanatili ang magandang takbo ng sales sa negosyo mo?  Paano mo mahihikayat `yung mga first time customers na bumalik at pa'no mo masisiguro ang loyalty ng mga nakailang ulit nang bumabalik dito?

Gusto ko sanang pag-usapan `yung Marketing Strategy.  Pero since wala akong binatbat at hindi ako expert, mas gusto kong pag-usapan `yung hindi tamang Marketing Strategy.  At `yung maling pamamaraan ng pagse-sales talk sa mga customer.

Uulitin ko.  Hindi ako expert, pero alam ko ang tama at mali.  At heto na nga...


1.  CLEANLINESS & SANITATION

Kapag pagkain ang negosyo mo, kailangan mong siguruhin na malinis ito mula sa storage, hanggang sa proseso ng pagluluto, at maging sa mismong kasangkapan kung saan mo ito hinahain.  Hindi dapat sinasakripisyo ang kalinisan sa paghahabol ng malaking kita.

Mahalaga ring iwasan ang pagse-serve ng panis o `yung may kung anong foreign creature sa pagkain.  That's bad!

Maraming napapahamak nang dahil sa Food Contamination at Food Poisoning taon-taon.  Kaya hindi ito puwedeng gawing biro na tatawan-tawanan pa `yung customer porket nagustuhan at naubos nila `yung panis na kaning sinangag mo para lang remedyuhan ang lasa.  Kung nanghihinayang ka, matutong magtantya ng saing.  O kaya ikaw ang kumain.


2.  ACCOUNTABILITY

Kapag may nagreklamong customer dahil sa sinerve mong kung ano na may buhok o bulate, huwag na huwag mo silang bubulyawan at tatanungin ng: "Pa'no nangyari `yun?!"  Huwag mo ring pagbibintangan na sinisiraan nila `yung negosyo mo, lalo na kung hindi ka pa naman talaga gano'n kasikat.  Huwag masyadong ma-ere.

Dapat accountable ka sa sine-serve mo dahil ikaw ang nagluluto nito.  Hindi mo puwedeng ipahiya `yung mga customer tapos bigla kang babait kapag nalaman mong mga estudyante pala sila sa San Beda na nagte-take ng law.


3.  INTEGRITY

Kapag hindi mo alam `yung ibig sabihin ng salitang ito, hindi mo `to mapaninindigan.  Ang integridad ay may kinalaman sa paggawa ng tama kahit walang nakatingin.  Kapag may integridad ka, gusto mong gumawa ng tama kahit walang makakita, kasi nirerespeto mo ang sarili mo.  Napakahirap pagkatiwalaan ng taong walang integridad, lalo na kung pagkain ang hinahawakan niya.

Gaano ka kasigurado na malinis ang tubig na ginagamit?  Gaano ka kasigurado na malinis ang kamay ng humahawak ng mga ingredients sa pagkain mo?  Gaano ka kasigurado na `yung pagkaing nireklamo mo na lasang sunog ay bagong luto raw kahit isang linggo na ito sa kaldero?  Makakasiguro ka lang kung may pagpapahalaga sa integridad ng pagtatrabaho `yung humahawak ng negosyo.  At `yung may kontrol sa standards ng produkto.


4.  PROFESSIONALISM

Kung gusto mong bumalik sa`yo ang customer, bigyan mo sila ng magandang customer service experience.  Hindi `yung kapag nagreklamo sila tungkol sa customer service e kakatuwiranan mo ng "Naninira lang `yang mga `yan, kasi sumisikat na `tong kainan natin.  Saka maliit na kainan lang naman kami eh!  Edi do'n kayo sa kabila kumain!"  `Yan!  Bad `yan.  `Yung maghahambog tapos biglang self-pity.

And speaking of "kabila", huwag n'yo ring sisiraan `yung negosyo ng iba para lang i-angat `yung sa inyo.  Hindi marangal na sales talk `yung sa tuwing may kakain na customer e kukuwentuhan n'yo sila ng: "Noong nakaraan nga may kumain dito, galing daw sila ro'n sa kabila.  Hindi naman daw masarap.  Hindi na raw sila babalik doon, dito raw kasi talaga masarap ang luto!"  Non-verbatim, pero medyo gan'yan.  Basta, bad `yan ha.  Huwag kang parang talangka na nanghihila pababa.  Kahit pa competitor mo sila.


5.  GIVE CREDITS

Kapag may tao kang pinakinabangan sa negosyo mo.  Nakatulong sa`yo sa pag-unlad.  Nakatulong sa`yo para lumago ang kita mo.  Nakapag-ambag sa`yo para lumawak ang reach ng business mo, matuto kang magbigay ng credits.  Kahit binayaran mo sila, magbigay ka ng credits man lang.  AT MAS LALO NA KUNG HINDI MO SILA BINAYARAN NI PISO!  Unless, likas na katangian mo na `yung pagiging manggagamit.

At kapag may nakatulong sa`yo, matuto kang magpasalamat.  Hindi `yung babalewalain mo `yung ambag nila at iyayabang mo pang "Dinadayo ako ng mga tao kasi sikat na `yung bulate ko!"  Mali `yun.  Lagi mong iisipin na hindi ka mag-isa.  Laging may taong naging susi para may maabot ka.  Para itama lahat ng mali sa operations ng business mo at para panatilihin `yung reputasyon nito.  `Yung mga successful nga na negosyanteng bilyonaryo e laging sinasabi sa mga empleyado niyang "Without your hardwork, we will never get these results!"

Ang pinakamaling gawin ay kutyain, laitin at maliitin mo pa `yung taong minsan mong inabala at sinira mo pa `yung trabaho, para lang patulungin sa negosyo mong kahit 'thank you' e wala man lang napala.  Magba-backfire sa`yo lahat `yan.  Kabahan ka sa karma.


6.  EQUALITY

Itrato mo nang pantay `yung customer na mapera o de kotse, at `yung customer na walang binatbat sa buhay.  Pareho silang nagbabayad ng pera galing sa pinaghirapan nila.  Saka ano naman kung walang binatbat `yung tao?  Pabigat ba sila sa`yo?


7.  COMPLIANCE

Kapag in-evaluate ka ng isang government agency at sinabihan kang mag-sanitize o mag-disinfect, mag-comply ka!  Hindi `yung pati mga nagpapatupad ng protocol pagbibintangan mong sinisiraan `yung negosyo mo.  Again.  Hindi ka gano'n kasikat.  Kumusta?  Nag-comply ka na ba?


8.  HONESTY

Huwag kang sinungaling.  `Yun ang pinakamahalaga.  Ang hirap magtagumpay kapag mas marami pa `yung kasinungalingan mo kaysa kilay.


Ang tanong...kaya pa ba?





--- Jan Ariel Ungab

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

IBALIK ANG SHINE SA ATING SHORE: ANG PANGARAP NG MGA TAGA-BARANGGAY PUNTA

TUKLASIN: Isang "Wooden Tablet" na may kakayahang mag-flash ng video sa isang TV Screen, alamin kung saan matatagpuan!

Paano simulan ang pagsusulat ng Science Fiction?